Monday, March 18, 2013

TULA NI ORIANG



Magmula Giliw ng ikaw ay pumanaw
Katawan at puso ko'y walang paglagyan
Lakad ng dugo sa ugat ay madalang
Lalo't magunita ang iyong palayaw.
Lubhang malabis ang aking pagdaramdam
Sa biglang paggayak mo't ako'y panawan
Alaala ko sa iyong padaraanan
at gayun din naman sa iyong Katawan.
Na baka sakaling ikaw ay kapusin
Lumipas sa iyo oras ng pagkain
Sakit na mabigat baka ka sumpungin
Na lagi mo na lamang sa aki'y daing.-
Saan patutungo yaring kalagayan
Dalanhating lubos liit ng katawan
Magsaya't kumain hindi mapalagay
Maupo't tumindik alaala'y ikaw.
"Kalakip ang wikang magtiis katawan
"Di pa na lulubos sa iyo ang layaw
"Bagong lalaganap ang kaginhawahan
"Ay biglang nagisip na ikaw ay iwan."-
At kung gumabi na sa banik ay hihiga
Matang nagaantok pipikit na bigla
Sa pagka himbing panaginip ka sinta
Sabay ang balong di mapigil na luha.-
Sa pagka umaga marahan titindik
Tutob ng kamay yaring pusong masakit
Tuloy sa dungawan kasabay ang silip
Sa pinaroonan mong hirap ay mahigpit-
Matapos sumilip pagdaka'y lalabas
Sa dulang kakanan agad haharap
Ang iyong luglukan kung aking mamalas
Dibdib ko'y puputok paghinga'y banayad-
Sama ng loob ko'y aking magisa
Di maipahayag sa mga kasama
Puso ko ay lubos na pinagdurusa
Tamis na bilin mo'y "magtiis ka sinta."


SOURCE:

Anonymous. "Tula ni Oriang." Poems from Filipino Poets. 8 January 2008. 17 March 2013. <http://filipinopoets.blogspot.com/2008/01/tula-ni-oriang.html>

No comments:

Post a Comment